Thursday, November 27, 2008

Poetry I

Sandaling Kalinga


Apoy, nagdirikit, nagniningas

Pumapaso sa nanlalamig na mga kalamnan

Animo’y sinat, tumuloy sa lagnat

Hanggang lumagablab ang pinagniig na ningas


Nagbigay liwanag sa madilim na magdamag

Tumambad sa paligid mga kulay na nagkukubli

Umawit ang mga anghel, sumayaw ang mga diwata

Sa paligid ng kambal na apoy na kahali-halina


Unti-unting humupa ng matupok ang gatong

Muling nagkubli mga kulay sa dilim

Namaos ang mga anghel, napagod ang mga diwata

Ang kanina’y apoy, ngayo’y nauupos na baga


Muling bumalot ang lamig sa paligid

Habang ang baga ay nawalan na ng init

Ang natupok na apoy, abo ang nalabi

Ikinalat ng hangin sa mahaba pang gabi.

NR-02021995

7 comments:

Twilight Zone said...

wow, ikaw ba mismo gumawa nyan? ganda naman.

Genkuro said...

Yes. Original po.
Maraming salamat sa pagdalaw.

Twilight Zone said...

oo mahilig kasi ako sa tula dimo naitatanong akoy isinilang sa katagalugan sa bayan ni Balagtas lolz dangan nga lamang ay di ako pinalad na maging isang manunula.

pmonchet said...

Kay sarap basahin ng mga taludtod
tela iniuugoy ng mga salita
Kay gandang bigkasin ng mga kataga
Para tuloy gusto ko na ulit-ulitin

nagmakata na rin.Ganda po ng tula niyo.

Genkuro said...

Maraming salamat pmonchet.
Salamat sa iyong pagsilip
sa aking munting daigdig.

Harinawa'y muli kang bumalik.

mountain resident said...

Ay ganun, may kalaliman ang iyon diwa at hindi ko maarok ang mga kahulugan ng mga katagang iyong ginamit. Datapwat masasabi ko na dalubhasa ka sa sining ng mga makata.
Magaling kaibigan

Genkuro said...

Hatid sa puso ko ay tuwa ng iyong binitiwang talata Rain.

Maraming salamat.